Saturday, February 19, 2011

Ang Talambuhay ni Jamai- Ann D. Altar


Larawan ito nung ako ay 10 months pa lang.
Sa Barangay ng Sta. Veronica may isang liblib na lugar na tinatawag na ilaya. Doon ipinganak ang nagngangalang Jamai- Ann D. Altar. Hango ang pangalan ko sa salitang Jamaica. Noong Hulyo 3, 1994 sa ganap na alas-dos ng madaling araw. Nahirapan ang ina ko sa panganganak sa akin dahil sa kulang pa ang kagamitan at malayo pa ang pagitan ng mga bahay. Bunga ako ng matamis na pagmamahalan nina Jaime Altar at Anabella Altar. Ako ay pang-apat sa limang magkakapatid. Ang dalawa kong nakatatandang kapatid ay si Jerwin at Jennelyn, sila ay pareho ng may asawa at tig-isang anak. Ang sumunod ay si Joana nag-aaral ng kolehiyo nang kursong I.T. Si Jaymee ang nakababata kong kapatid na nag-aaral naman sa sekondarya.

        Pinag-aral ako ng magulang ko ng Kinder sa Barangay din namin. Tuwing inihahatid ako ng aking ina sa silid-aralan ayaw ko siyang umalis sa aking tabi. Palagi akong umiiyak kapag ako ay kanyang iniiwan sa loob, kaya hinahabol ko siya at hindi na ako nakakapasok sa talakayan. Sa araw-araw na pangyayari napagpasiyahan ng mga magulang ko na huminto na lang ako. Nahihirapan na din kasi siyang maghatid sundo sa akin. Malayo din kasi ang nilalakad namin bago makarating sa paaralan. Pero nakapanghihinayang din dahil malapit na ang araw ng pagtatapos.

Larawan kasama ang aking nakababatang kapatid

        Makalipas ang isang taon, pinapasok na muli ako sa paaralan. Hindi ko na itinuloy ang Kinder nag-enrol na agad ako sa unang baitang. Hindi na ako tulad ng dati na palaging umiiyak. Tinanggap naman ako ng guro na si Gng. Vivian Odiame. Siya ang gurong tagapayo ng unang baitang. Masaya magturo, mabait at nakikipagbiruan.

Tuwing bakante kami sa klase siyempre ang karaniwang gingawa ng mga bata ang paglalaro. Hindi maiiwasan ang pagkakasakitan at pag-aaway. Kapag tanghalian na sabay-sabay kaming umuuwi na mga magkakaibigan. Kami ay sampung magkakabarkada, sila Janica, Maria Ana Rose at Cherie ang madalas kong nakakasama bukod pa sa pagiging kaibigan ay pinsan ko din sila. At ang iba pa ay sila Sandra, Mary Jane, Lorie, Maureen, Janine, at ang tanging lalaki ay si Jon Raldwin.

Sa pag-awas naman sa hapon ang buong klase ay naglalaro sa cover court. Ang pangkaraniwang laro ng mga bata ay sikyo, sipa, chinese garter at iba pa. Pagkatapos nito ang sabay-sabay na paglakad sa pag-uwi sa bawat tahanan. Ako ang pinakamalayong bahay sa kanila dahil looban pa at magubat ang daraanan. 

Minsan ginagabi ako ng pag-uwi dahil hinihintay ko pa si papa galing biyahe bilang jeepney driver. Madalas itong nakakainom ng alak. Nakaranas ako na napaaway siya dahil sa hindi pagkakaunawaan. Natakot ako noon dahil bata pa ako para makakita ng ganoong pangyayari. Buti na lamang at andun pa ako sa mga tiyahin ko para tulungan sa ama ko na makauwi kami sa bahay.

Sa pagdating ng bahay kakain na lamang ito at matutulog. Mabuti na yung ganito upang maiwasan ang pag-aaway ng mag-asawa. Kapag may programa sa paaralan sumasali ako dito at pinapayagan naman nila ako na dumalo sa amin pagpapraktis. Masaya ito dahil nagkakaroon ng bonding ang grupo namin. Halos lahat sa amin ay marunong at mahilig magsayaw.


Larawang nagpapakita ng mga gawain ko nung ako ay maliit pang bata

Tuwing sabado kami nagpapraktis sa bahay nila Janica. Kapag wala pa ang iba, sinusundo namin ang mga ito upang payagan din sila ng kanilang mga magulang. Tinuturuan kami ng kapatid niya. Kapag may oras pa ginugugol namin ito sa paglalaro.

Nagkaroon kami ng bagong kaklase na galing sa ibang paaralan, siya ay si Alvin. Hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng paghanga sa kanya dahil sa angkin nitong talino. Dumating ang araw na nagkaaway kami dahil sa niloko ko siya hindi ko naman inaasahan na mapipikon siya. Napatawag tuloy ang kanyang ama. Hiya ang naramdaman ko nun kasi kababae kong tao ako pa ang pasaway. Nakaayos din naman kami.

Nagkasakit ako noong labing isang taong gulang palang. Nananakit ang tiyan ko at nangangati ang buong katawan. Sa tindi ng nararamdaman ko hindi ko na nakayanan. Dinala na ako ng magulang ko sa ospital. Tumagal ako dito ng ilang araw. Naobserbahan ng mga doktor na may sibol ako. Sa bawat pagkamot ko ay namamantal ito ng malalaki at kumalat na sa buong katawan. Tinawag nila itong imon- imon.

Nakakainip, nakakalungkot ang nararamdaman ko sa loob ng hospital. Kaya ng ibinalita ng doktor na pwede na akong lumabas lubos akong nasiyahan dahil namimis ko na din ang mga kapatid ko at mga kaibigan. Tinulungan naman kami ng lolo ko para makabayad ng bill sa hospital. Nakabawas pa ang philhealth ng magulang ko kaya madali akong nakalabas dito.

May ilang araw din akong liban sa klase, maraming kailangan habuling leksiyon. Tinulungan naman ako ng mga kaibigan ko para lubhang maunawaan ang nakalipas na aralin. Kaya naman nakatulong ito ng malaki para ako’y makapasa at nakatungtong ako sa ika-anim na baitang. Sinusulit na naming magkakaibigan ang bawat araw dahil sa nalalapit na pagtatapos.

Nararamdaman namin na ang araw ay bumibilis. Hanggang sa dumating na nga ang araw ng pagtatapos. Masaya kami dahil nakaakyat na kami sa entablado at nakatanggap ng diploma. Pero nakakalungkot din dahil magkakahiwa- hiwalay na kami, magkakaibang paaralan ang papasukan at minsan-minsan lang magkakatagpo. Ngunit bago matapos ang araw na ito, nagpunta kami sa bahay nila Sandra upang magdiwang. Naging masaya ang araw na ito para sa lahat.

4th Year High School, kuha ang larawan na ito nung Field Trip namin.
Sa paglipas ng ilang buwan nag-enrol na ako sa paaralang Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School (CLDDMNHS) upang makapasok ng unang taon ng sekondarya. Kinakabahan ako sa unang pasok ko dito bukod sa maraming estudyante mukang mga istrikto ang mga guro. 

Nahirapan din akong humanap ng mga kaibigan sapagkat wala pa akong masyadong kakilala. Buti na lamang dito din pumasok si Lorie, sabay kaming umuuwi at sumasakay ng dyip. Hindi ko pa kasi alam kung saan ang paradahan. Nakakapanibago ang mga bagay na ito para sa akin. Ito ang naging dahilan upang ako’y matuto sa lahat ng bagay. Malaki talaga ang pagkakaiba ng elementary sa sekondarya. 
                                         
 Sa sekondarya kasi hindi ka pwede maging pa easy- easy. Kapag ganito ang ginawa maari kang bumaba ng seksiyon. Mahirap kasi ang ganun panibago na namang pakikitungo sa dami ng mga kaklase.
Larawan ng ako ay nasa Sekondarya

Nagkaroon ako ng bagong kaibigan ngayong sekondarya. Sila ay si Catherine, Rubilyn at Sherilyn. Sila ang nakakasama ko noong ako ay nasa ikalawa at ikatlong taon. Naging Masaya din naman ako na nakilala ko sila at naging parte ng aking buhay. May mga pangyayari noong kami ay nasa ikatlong taon. Ang buong klase ay nagkaroon ng rekord sa guidance office. Sa kadahilanang kami ay nag-cutting classes. Naging aral ang pangyayaring ito sa lahat.

Siyempre dumadating ang buwan ng Pebrero. Ang inaasahan ng isang kabataan na maranasan ang pagdiriwang ng “JS Prom”. Sa una nakakasabik pero kapag hayan na parang ordinaryong araw lang din. Ang mahalaga naranasan ko ang dumalo sa ganitong handaan. Nakabonding ko ang buong klase at naging alaala sa akin.

Ngayon nasa ika-apat na taon na ako muli nahiwalay na naman ako sa mga kaibigan ko. Dahil bumaba ang kanilang seksiyon. Pero kahit na ganun hindi napuputol ang pagkakaibigan namin. Nagkikita- kita pa naman kami araw-araw. Sa ngayon si Kris ang nakakasama ko, galing siya sa ibang seksiyon. Nagkasundo agad kami.

Maraming aspeto ang nagbago sa akin tulad ng sa pisikal, bahagi dito ang pagkakaroon ng buwanang dalaw. Nahuhubog dito ang hugis ng katawan, pagkakaroon ng dibdib at pagtangkad. At nagiging maayos sa pananamit, malinis sa katawan. Sa aspetong sosyal, natuto akong makisalamuha sa lahat ng tao na aking nakakausap kahit na may iba’t iba tayong pag-uugali.
Ito ang aking larawang kuha sa aming simbahan.


Napagtanto ko ang pinakamahalagang aspeto, ang ispiritwal. Dahil simula ng makilala ko si Kristo at tinanggap ko bilang tagapagligtas ng aking buhay. Natuto na akong manampalataya sa Diyos. Kaya sa bawat problemang aking tinatahak ito’y aking nalalampasan. Sapagkat buhay ang pangako ng Diyos na di niya tayo iiwan o pababayaan man. Wala siyang ibibigay na pagsubok na hindi natin kakayanin. Unti-unti niyang binago ang masasama kong pag-uugali. Sa kabila ng mga kasalanang nagawa ko simula ng pagkabata hanggang sa kasalukuyan ako’y kanyang pinatawad. Kaya ngayong nagkasakit ang ama ko at dinala siya sa hospital hindi ako nawalan ng pag-asa. Dahil may Diyos na tutugon sa bawat panalangin kung tayo’y mananalig ng husay sa kanya.

Kaya papuri at pasasalamat ang handog ko sa Panginoon. Ipinakita ko ito sa pamamagitan ng paglilingkod ko sa kanya. Sa paraang pananalangin, pagsunod sa kanyang kalooban. Sa pagpapagamit sa simbahan ng Jesus the Lord of Glory Christian Fellowship bilang isang tambourine dancer.

Alam kong ito ang paraan para maging masaya ang Panginoon. Dito ko din  maipapakita ang pagmamahal ko sa kanya. Tulad ng ibinigay niyang pagmamahal sa akin, maging sa aking pamilya. Kahit na tayo ay makasalanan pwede niya tayong patawarin, tanggapin lang natin siya bilang tagapagligtas at maging hari ng ating buhay. Tulad ng aking ginawa.

Hindi ko naman makikilala ang Diyos kung hindi niya ginamit ang mga kapatiran ko sa Panginoon ngayon na sila Ate Yam, Ate Lay, Pastora, Kuya Pao, Kuya Vel at marami pang iba. Sobra akong nagagalak na nakilala ko din sila. Dahil maliban sa Panginoon sila din ang nagpapalakas sa akin sa ispiritwal na pangangailangan ko. Lalo pa nilang ipinapakilala kung gaano kadakila at kahalaga sa buhay natin ang Panginoon. Kaya ipinagpapatuloy ko ang paglilingkod ko sa ating Diyos.

Ito ang mga alaala ng mga karanasan ko sa buhay na nangyari mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Na nagiging inspirasyon ko ngayon para magpursigi at magpatuloy sa buhay. Karanasang hindi malilimutan at babaunin habang ako’y nabubuhay. 


No comments:

Post a Comment